Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) laban sa mga illegal recruiter na nakabase umano sa Dubai na nag-aalok ng trabaho sa Pakistan gamit ang tourist visa. Nangangako ang mga ito ng trabaho pagdating sa Pakistan, subalit karamihan sa mga aplikante ay nauuwi sa walang trabaho. May ilan ding inaalok ng pekeng kasal upang makakuha ng Pakistan Origin Card (POC), na labag sa batas.
Maging matalino at huwag basta magtiwala sa mga alok na hindi beripikado, lalo na online. I-verify muna ang mga oportunidad sa trabaho sa pamamagitan ng opisyal na channels ng Department of Migrant Workers. Para sa tamang impormasyon at gabay, bisitahin ang www.dmw.gov.ph, mag-email sa airtipinfo@dmw.gov.ph, o i-follow ang opisyal na social media account na @dmwairtip sa Facebook at Tiktok. Sa tamang kaalaman, makakaiwas sa panlilinlang.